Lahat ng mga Katanungan
prev
Previous:1.30 Mayroon bang mga kapatid si Hesus?
next
Next:1.32 Ano ang ginagawa ng Espiritu Santo? Kailangan ko ba siya?

1.31 Sino ang Espiritu Santo?

Ano ang ginagawa ng Espiritu Santo?

Ang Espiritu Santo, ang Diyos Ama, at kanyang anak na si Hesus, ay ang tatlong bumubuo sa Banal na Santatlo.  Ang Santatlong ito ay may natatanging ugnayan sa isa’t isa. Gawain ng Espiritu Santo ang magbigay ng inspirasyon at tumulong sa atin na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos at magkaroon ng panimulang pananampalataya.

Ang Espiritu Santo rin ang nagbigay ng inspirasyon sa mga may-akda ng Bibliya habang isinusulat nila ang mensahe ng Diyos.  Siya rin ang tumutulong sa atin ngayon para matutunan ang tamang pagbasa ng Bibliya.  Nakikita natin siya na inilalarawan bilang paghinga, hangin o bagyo, pati na bilang tubig, apoy, ilaw o ulap.  Siya ay laging inilalarawan bilang isang kalapati na bumaba kay Hesus noong siya ay binabautismuhan.  (Mateo 3:16). Mateo 3:16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya.

Kasama ang Ama at ang Anak, ang Espiritu Santo ay Diyos. Inaaliw niya tayo, hinahayaan tayong makibahagi sa pag-ibig ng Diyos, at tinutulungan niya tayo.
Ang Dunong ng Simbahan

Bakit hindi mapaghihiwalay ang mga misyon ng Anak at ang Banal na Espiritu?

Sa hindi maibabahagi na Trinidad, ang Anak at Espiritu ay natatangi ngunit hindi mapaghihiwalay. Mula sa umpisa hanggang sa katapusan ng panahon, nang ipadala ng Ama ang Kanyang Anak ay ipinapadala din niya ang Kanyang Espiritu na nagkakaisa sa atin kay Cristo sa pananampalataya upang bilang mga anak na lalaki ay maaari nating tawagan ang Diyos na "Ama" (Roma 8:15). Ang Espiritu ay hindi nakikita ngunit kilala natin Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga aksyon, kapag inihayag Niya ang Salita sa atin at kapag siya ay kumikilos sa Simbahan. [CCCC 137]

Ano ang ibig sabihin ng: Ang Espiritu Santo ay “nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta”?

Sa Matandang Tipan pa lamang ay pinuno ng Diyos ng Espiritu ang mga kalalakihan at kababaihan kaya naiangat nila para sa Diyos ang kanilang mga tinig, nagsalita sa Kanyang ngalan at inihanda ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas.

Sa Matandang Tipan, naghanap ang Diyos ng mga kalalakihan at kababaihan na handang aliwin, gabayan at pamunuan ang Kanyang bayan. Ang Espiritu Santo ang nagsalita sa pamamagitan ng tinig nina Isaias, Jeremias, Ezekiel at iba pang propeta. Hindi lamang nakita ni Juan Bautista, ang pinakahuli sa mga propetang ito, ang pagdating ng Mesiyas, kundi nakatagpo at naipahayag pa niya si Jesus bilang tagapagligtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan. [Youcat 116]

Ano ang mga pangalan ng Banal na Espiritu?

"Ang Banal na Espiritu" ay ang wastong pangalan ng ikatlong tao ng Pinaka Banal na Trinidad. Tinawag din siya ni Jesus na paraclete (consoler o tagapagtaguyod) at ang Espiritu ng Katotohanan. Ang Bagong Tipan ay tumutukoy din sa Kanya bilang Espiritu ni Cristo, ng Panginoon, ng Diyos - ang Espiritu ng Kaluwalhatian at ang Espiritu ng Pangako. [CCCC 138]

Sa ilalim ng anong pangalan at tanda nagpakita ang Espiritu Santo?

Bumaba kay Jesus sa anyo ng kalapati ang Espiritu Santo. Naranasan ng mga unang Kristiyano ang Espiritu Santo na parang nakapagpapagaling na pamahid, parang tubig na buhay, parang namumuong bagyo, o parang naglalagablab na apoy. Si Jesukristo mismo ay nagsalita tungkol sa Tagapagtanggol, Taga-aliw, Tagapagturo, at Espiritu Santo sa mga → Sakramento sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay at pagpapahid ng langis.

Ang kapayapaan na pinagtibay ng Diyos sa tao pagkatapos ng pagbaha ay naipahayag kay Noe sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang kalapati. Kahit ang mga sinaunang pagano ay kinilala ang kalapati bilang larawan ng pag-ibig. Kaya naintindihan kaagad ng mga sinaunang Kristiyano kung bakit ang Espiritu Santo, ang naging persona ng pag-ibig ng Diyos, ay bumaba kay Jesus sa anyo ng isang kalapati noong nagpabinyag Siya sa Ilog Jordan. Sa kasalukuyan, ang kalapati ay kilala sa buong mundo bilang simbolo ng kapayapaan at isa sa mga dakilang simbolo ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos (tingnan ang Gen 8:10-11). [Youcat 115]

Ito ang sinasabi ng mga Ama ng Simbahan

Darating ang Tagapagtaguyod at isusugo siya ng Anak mula sa Ama, at siya ang espiritu ng katotohanan na nagmula sa Ama. [St. Hilary, On the Trinity, Bk. 8, Chap. 19 (ML 10, 250)]